What's new

Daily Bread (January 5 2022)

Pamintangdurog04

Forum Guru
Elite
Joined
Sep 25, 2019
Posts
1,455
Reaction
590
Points
1,085
"SA LILIM NG KANYANG MALABAY NA PAKPAK"
(AWIT 91:4)
"Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat."
MAPAGPALANG araw po sa ating lahat muli po tayong magnilay ng mga Salita ng Dios.
Naalala ko noong ako ay bata pa dito sa aming nayon ng Bacao, kakaunti pa ang bahay noon at may mga silong, bawat tahanan ay may mga pugad ng manok na nakasabit sa bawat poste ng bahay, doon nangingitlog ang mga inahing manok nililimliman ng inahin ang kanyang mga itlog hanggang sa mapisa. Kapag napisa na at medyo malalakas na ang mga sisiw ibinababa na ng may ari ang inahin kasama ng mga inakay upang turuang maghanap na ng pagkain, kahig na ng kahig ang inahin sa lupa at bawat butil na makita ay ipinakakain sa kanyang mga inakay... Takot na takot ako sa inahing manok kasi kapag nilapitan mo ay talagang pupupugin ka, dahil akala niya ay kukunin mo ang kanyang mga anak.. Ilang beses din akong napupog ng inahing manok, very protective siya sa kanyang mga sisiw... Ang isang matinding kalaban ng mga inahing manok ay ang mga lawin na aali aligid sa kalawakan, kumukuha ng tiempo para dagitin ang mga sisiw, kapag sumasalakay ang mga lawin agad inilalagay ng inahing manok ang kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang mga pakpak, handa niyang ipagtanggol ang kanyang mga inakay... ipinagsasanggalang niya... Ganyan ang katayuan nating mga anak ng Dios sa gitna ng panganib, sa mga lalang at gawa ng Diablo na walang nais kundi silain tayo, ang ating Dios ay ipinagsasanggalang tayo, nilulukuban Niya tayo ng Kanyang malalabay na pakpak, hindi tayo masasaling ng kaaway sapagkat protektado tayo ng pag iingat ng Dios... May mga inakay din o sisiw na nasisila ng lawin, nadadagit, kasi kung minsan ay napapalayo sila sa kanyang inahin, bago pa makita ng inahing manok ang parating na lawin nadagit na ang kanyang inakay... ganoon din naman sa ating kalagayan bilang mga anak ng Dios, kapag napapalayo tayo sa banal na presensiya at kalooban ng Dios, maaari tayong mahulog sa bitag ng kaaway at madagit tayo nito... Kaya huwag po tayong lumayo sa Dios, lagi nating hanapin ang Kanyang maamong mukha, dilidlihin natin araw gabi ang Kanyang mga Salita at palagian natin Siyang kausapin sa pamamagitan ng panalangin.. magpasakop tayo sa malabay na pakpak ng Dios upang hindi po tayo madaig ng kaaway, sabi ng ating talata.. (Awit 91:4) " Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.".. Hindi nais ng Dios na isa man sa Kanyang mga anak ay may mapahamak.. upang hindi po tayo mapalayo sa Dios palagian tayong magpasakop sa Kanyang banal na presensiya..
Ang kalinga at pagpapala ng Dios ay sumaating lahat ngayon at magpakaylanman sa Pangalan ng ating Panginoong Hesus. Amen.

Pastor Ombie Lontoc
 
Back
Top