What's new

Trivia Kailangan bang tanggapin muna ng karamihan ang Bibliya para masabi lang na totoo at tumpak ito?

Cerebellum

Eternal Poster
Joined
Oct 31, 2021
Posts
1,183
Reaction
532
Points
423

Kailangan bang tanggapin muna ng karamihan ang sinasabi ng Bibliya para masabi lang na totoo at tumpak ito?


Hindi. Hindi kailangang tanggapin ng karamihan ng mga tao ang sinasabi ng Bibliya para mapatunayang totoo ito. Hindi nakadepende sa pagtanggap ng karamihan sa salita ng Diyos kung ito ba ay dapat paniwalaan o hindi. Hindi rin nakadepende sa pagtanggap ng karamihan kung ang Bibliya ba ay masasabing 'totoo' at 'hindi'.

Ang arkeolohikal na mga natuklasan, ang mga espesipikong pagbanggit nito sa mga tao na napatala sa kasaysayan, mga napag-aralan at nadiskubre ng siyensiya, at ang mga hulang natupad ang nagpapatunay sa pagiging totoo ng salita ng Diyos. Tanggapin man ng mga tao o hindi ang mga iyon, mananatili ang Bibliya bilang ang 'salita ng Diyos.'

Sa kabilang banda, pinasisigla ng salita ng Diyos ang BAWAT INDIBIDUWAL na pag-aralan ang Bibliya at suriin ito taglay ang pananampalataya.

2 Corinto 13:5
Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. (Magandang Balita Biblia)
Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. (Ang Dating Biblia 1905)

Bakit gayon na lang ang paghimok ng Bibliya sa mga indibiduwal na 'subukin ang sarili' kung siya ay nasa pananampalataya?


Dahil sinasabi mismo ng Bibliya na ang 'bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan'.

Galacia 6:5
Dahil ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.

Nasa indibiduwal ang pagpapasiya kung tatanggapin niya ang Bibliya bilang salita ng Diyos at kung tatanggapin niya ito bilang tumpak at totoo. Gayunman, hinihimok pa din siya ng salita ng Diyos na suriin ang kaniyang mga paniniwala.

1 Juan 4:1
Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat mensahe na sinasabing galing sa Diyos, kundi tiyakin ninyo kung talagang galing ito sa Diyos, dahil maraming huwad na propeta ang lumitaw sa sanlibutan.

Pansinin din ang puntong ito,

Kawikaan 14:15
Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.

Oo, ang mga indibiduwal ay pinasisigla na suriin ang kanilang mga nababasa o mga napapakinggan. Ang basta paniniwala lamang dahil sa emosyon ay hindi isang matibay na basehan para sabihin ng isang tao na totoo ang kaniyang pinapaniwalaan.

Gayunman, sa kabila ng paghimok ng Bibliya na suriin ang sinasabi nito, nagbibigay din ito ng babala,

Colosas 2:8
Mag-ingat kayo upang huwag kayong maging bihag ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, batay sa tradisyon ng mga tao, batay sa mga mapamahiing aral ng sanlibutan, at hindi batay kay Cristo.

Kaya bagaman hinihimok ng Bibliya ang mga indibiduwal na suriin ang kanilang sarili at ang kanilang pinapaniwalaan, binababalaan din sila sa panganib na paniwalaan ang pilosopiya ng mga tao na batay sa tradisyon, o kaisipan lang, ng tao at hindi batay sa mga sinabi at itinuro ng Kristo.

Bilang konklusyon, hindi nakadepende sa pagtanggap ng karamihan ang autentisidad ng Bibliya. Ang hindi pagtanggap ng karamihan sa Bibliya bilang salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na ang Bibliya ay mali o hindi dapat paniwalaan. Nakadepende sa isang indibiduwal kung paano niya tatanggapin ang Bibliya. Oo, ang mga indibiduwal ang may pananagutan kung paano nila patutunayan sa kanilang sarili na ang Bibliya nga ay salita ng Diyos.

(Tips: Suriin ang Bibliya, pag-aralan ito, at saliksin ang nilalaman nito taglay ang tamang motibo at kapakumbabaan)
 

Similar threads

Back
Top