What's new

Trivia Kasunduan ba sa Pagitan ng Templo ng Diyos at ng mga Idolo sa Gresya?

Gentleman007

Forum Expert
Elite
Joined
Sep 19, 2016
Posts
3,556
Reaction
7,216
Points
2,570
SA NAPAKAINIT na araw na ito ng tag-init, napakatindi ng sikat ng araw na tumatama sa nangingintab na mga bato sa daan. Gayunman, ang matinding init ay waring hindi nakabawas sa sigasig at tibay ng hangarin ng isang pulutong ng mga debotong peregrinong Griego Ortodokso na patungo sa kapilyang nasa tuktok ng burol.

Makikita mo ang isang pagod na pagod nang matandang babae, na naglakbay mula pa sa kabilang dulo ng bansa, anupat nagsisikap na patuluyang ihakbang ang pagod na niyang mga paa. Sa gawi pa roon paitaas, isang masikap na lalaki naman ang pawis na pawis habang buong-kasabikang nagsisikap na makisingit sa nagsisiksikang mga tao. At isang dalagita, na halatang may dinaramdam at sa kaniyang mukha’y mababanaag ang kawalan ng pag-asa, ay iinut-inot nang paluhod sa kaniyang duguang mga tuhod. Ang tunguhin? Upang makarating sa oras, makapanalangin sa harapan at, kung maaari, ay mahipo at mahagkan ang imahen ng bantog na “santo.”

Ang mga tanawing gaya nito ay nauulit sa buong daigdig sa mga lugar na deboto sa pagpipitagan sa “mga santo.” Sa wari, lahat ng mga peregrinong ito ay kumbinsido na sa pamamagitan nito’y nasusunod nila ang paraan ng Diyos ng paglapit sa kaniya, sa gayo’y naipamamalas ang kanilang debosyon at pananampalataya. Sabi ng aklat na Our Orthodox Christian Faith: “Ginugunita namin [ang “mga santo”], at pinag-uukulan ng kaluwalhatian at paggalang ang kanilang banal na persona . . . , at hinihiling namin na sana’y ipanalangin kami sa harap ng Diyos at isamo at tulungan sa marami naming pangangailangan sa buhay. . . . Dumudulog kami sa mga mapaghimalang Santo . . . para sa aming espirituwal at pisikal na pangangailangan.” Gayundin, ayon sa sinodikong batas ng Simbahang Romano Katoliko, ang “mga santo” ay dapat pakiusapan bilang mga tagapamagitan sa Diyos, at dapat na pagpitaganan kapuwa ang mga relikya at imahen ng “mga santo.”

Ang dapat na maging pangunahing interes ng isang tunay na Kristiyano ay ang sambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Dahil dito’y isaalang-alang natin ang ilang bagay tungkol sa paraan na doo’y ipinakilala ang pagpipitagan sa “mga santo” bilang bahagi ng relihiyosong gawain ng Sangkakristiyanuhan. Ang ganitong pagsusuri ay dapat na maging lubos na nakapagtuturo para sa bawat nagnanais na makalapit sa Diyos sa paraang kaayaaya sa Kaniya.

Kung Paano Tinanggap ang “mga Santo”

Tinawag ng Kasulatang Griego Kristiyano na “mga banal,” o “mga santo,” ang lahat ng sinaunang Kristiyano na nilinis sa dugo ni Kristo at ibinukod para sa paglilingkod sa Diyos bilang inaasahang magiging kasamang tagapagmana ni Kristo. (Gawa 9:32; 2 Corinto 1:1; 13:13)* Lalaki’t babae, mga prominente at mabababa sa kongregasyon, lahat ay inilarawan bilang “mga banal” samantalang nabubuhay dito sa lupa. Ang pagkilala sa kanila bilang mga banal sa diwa ng Kasulatan ay maliwanag na hindi ipinagpaliban anupat hindi na hinintay na mamatay muna sila.

Gayunman, pagkalipas ng ikalawang siglo C.E., samantalang nabubuo ang apostatang Kristiyanismo, ang naging tendensiya ay gawing popular ang Kristiyanismo, isang relihiyong makaaakit sa mga pagano at madali nilang matanggap. Ang mga paganong ito ay may napakaraming sinasambang diyos, at ang bagong relihiyon ay mahigpit sa pagkakaroon ng iisa lamang. Kaya naging posible ang pagkakasundo sa pamamagitan ng pagtanggap sa “mga santo,” na papalit sa mga sinaunang diyos, nakabababang diyos, at mga maalamat na bayani. Sa pagtukoy dito, ganito ang sabi ng aklat na Ekklisiastiki Istoria (Kasaysayang Eklesyastikal): “Para sa mga nakumberte mula sa paganismo tungo sa Kristiyanismo, naging madali na maiugnay sa katauhan ng mga martir ang kanilang iniwang mga bayani at magsimulang magbigay-parangal sa mga ito na siya nilang ginagawa noon sa dati nilang mga bayani. . . . Gayunman, ang ganitong pagbibigay-parangal sa mga santo ay madalas na nagiging ganap na idolatriya.”

Isa pang akdang reperensiya ang nagpapaliwanag kung paano ipinakilala ang “mga santo” sa Sangkakristiyanuhan: “Sa pagbibigay-parangal sa mga santo ng Simbahang Griego Ortodokso, nakasusumpong kami ng mga malinaw na palatandaan ng matinding impluwensiya ng paganong relihiyon. Ang mga katangian na dating iniuugnay sa mga Olimpiyanong diyos bago nakumberte [ang mga tao] sa Kristiyanismo ay iniuukol na ngayon sa mga santo. . . . Sa mga unang taon ng bagong relihiyon, mapapansin natin ang mga tagapagtaguyod nito na ipinapalit si Propeta Elias sa diyos ng araw (Phoebus Apollo), anupat nagtatayo ng mga simbahan sa, o kaya’y sa tabi ng, mga kagibaan ng sinaunang mga templo o dambana ng diyos na ito, kadalasan ay sa taluktok ng mga burol at mga bundok, sa lahat ng dako na doo’y pinarangalan ng mga sinaunang Griego ang tagapagbigay-liwanag na si Phoebus Apollo. . . . Iniugnay pa man din nila ang diyosang Birhen na si Athena kay Birheng Maria mismo. Kaya naman, ang kahungkagan na nalikha nang gibain ang idolo ni Athena ay nawala sa kalooban ng mga nakumberteng mananamba ng idolo.”—Neoteron Enkyklopaidikon Lexikon (New Encyclopedic Dictionary), Tomo 1, pahina 270-1.

Halimbawa, suriin ang kalagayang umiiral sa Atenas noong mga huling bahagi ng ikaapat na siglo C.E. Karamihan sa mamamayan ng lunsod na iyon ay mga pagano pa rin. Isa sa kanilang pinakasagradong ritwal ay ang Eleusinianong mga misteryo, isang dobleng okasyon,* na ipinagdiriwang taun-taon tuwing Pebrero sa bayan ng Eleusis, 23 kilometro pakanlurang-hilaga ng Atenas. Upang madaluhan ang mga misteryong ito, kailangang tahakin ng mga paganong taga-Atenas ang Sagradong Daan (Hi·e·raʹ Ho·dosʹ). Palibhasa’y sinisikap na maglaan ng mapagpipiliang dako ng pagsamba, ang mga pinuno ng lunsod ay naging mahuhusay na mangangatha. Sa daan ding iyon, mga sampung kilometro mula sa Atenas, ang monasteryo ni Daphni ay itinayo upang umakit ng mga pagano at hadlangan sila sa pagdalo sa mga misteryo. Ang simbahan ng monasteryo ay itinayo sa pundasyon ng sinaunang templo ng Dafnaion, na nakaalay sa Griegong diyos na si Daphnaios, o Pythios Apollo.

Masusumpungan din sa isla ng Kithira, Gresya ang mga katibayan ng pagkakahalo ng mga paganong bathala sa pagpipitagan sa “mga santo.” Sa isa sa mga tuktok ng isla, may dalawang maliit na kapilyang Byzantine—isa sa mga ito ay nakaalay kay “Saint” George, ang isa naman ay kay Birheng Maria. Isiniwalat ng mga paghuhukay na iyon ang lokasyon ng dambanang Minoan na nasa taluktok na nagsilbing dako ng pagsamba halos 3,500 taon na ngayon ang nakararaan. Noong ikaanim o ikapitong siglo C.E., itinayo ng “mga Kristiyano” ang kanilang kapilya para kay “Saint” George sa mismong lokasyon ng dambana na nasa tuktok. Ang maniobrang iyon ay lubhang simboliko; anupat inugitan ng maunlad na sentro ng relihiyong Minoan ang mga ruta sa Dagat Aegean. Itinayo ang dalawang simbahan doon upang matamo ang pabor ng Our Lady at ni “Saint” George, anupat ang huli ay ipinagdiriwang sa araw ring iyon na kasabay ng “tagapagsanggalang ng mga mandaragat,” si “Saint” Nicholas. Isang pahayagan na nag-uulat tungkol sa tuklas na ito ang nagsabi: “Sa ngayon ay inaakyat ng paring [Griego Ortodokso] ang bundok, kung paanong inaakyat din ito ng paring Minoan noong sinaunang panahon,” upang magdaos ng mga relihiyosong serbisyo!

Sa pagbuod sa laki ng impluwensiya ng paganong Griegong relihiyon sa apostatang Kristiyanismo, ganito ang sinabi ng isang mananaliksik sa kasaysayan: “Ang makapaganong saligan ng relihiyong Kristiyano ay karaniwang di-nagbabago sa popular na mga paniniwala, anupat nagpapatotoo sa tumatagal na katangian ng tradisyon.”

‘Sinasamba ang Aming Nalalaman’

Sinabi ni Jesus sa babaing Samaritana: “Aming sinasamba kung ano ang aming nalalaman. . . . Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:22, 23) Pansinin na mahalaga ang pagsamba ayon sa katotohanan! Imposible kung gayon na sambahin ang Diyos sa kaayaayang paraan nang walang tumpak na kaalaman at malalim na pag-ibig sa katotohanan. Ang tunay na relihiyong Kristiyano ay dapat na nakasalig sa katotohanan, hindi sa mga tradisyon at kaugalian na hiniram buhat sa paganismo. Alam natin kung ano ang nadarama ni Jehova kapag tinatangka ng mga tao na sambahin siya sa maling paraan. Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa sinaunang Griegong lunsod ng Corinto: “Anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial? . . . Anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo?” (2 Corinto 6:15, 16) Anumang pagtatangka na pagtugmain ang templo ng Diyos at ang mga idolo ay kasuklam-suklam sa kaniya.

Isa pa, buong-linaw na ipinagbabawal sa Kasulatan ang ideya ng pananalangin sa “mga santo” upang magsilbing tagapamagitan sa Diyos. Sa kaniyang huwarang panalangin, itinuro ni Jesus na ang mga panalangin ay dapat na iukol sa Ama lamang, yamang itinagubilin niya sa kaniyang mga alagad: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’ ” (Mateo 6:9) Sinabi pa ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kayo ay hihingi ng anumang bagay sa aking pangalan, ay gagawin ko iyon.” At sinabi ni apostol Pablo: “May isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus.”—Juan 14:6, 14; 1 Timoteo 2:5.

Kung talagang nais natin na dinggin ng Diyos ang ating mga panalangin, mahalaga na lapitan natin siya sa paraang naaayon sa kaniyang Salita. Sa pagdiriin sa tanging wastong paraan ng paglapit kay Jehova, isinulat din ni Pablo: “Si Kristo Jesus ang isa na namatay, oo, ang isa pa nga na ibinangon mula sa mga patay, na nasa kanang kamay ng Diyos, na nakikiusap din para sa atin.” “Magagawa rin niyang iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging nabubuhay upang makiusap para sa kanila.”—Roma 8:34; Hebreo 7:25.

‘Sumasamba Sa Espiritu at Katotohanan’

Ang apostatang Kristiyanismo ay walang espirituwal na lakas ni ng alalay ng banal na espiritu ng Diyos upang maganyak ang mga pagano na iwan ang kanilang huwad na pagsamba at sundan ang makatotohanang turo ni Jesu-Kristo. Tinanggap nito ang paganong mga paniniwala at kaugalian dahil sa paghahangad nito ng mga makukumberte, kapangyarihan, at katanyagan. Dahil dito ay nagbunga ito, hindi ng matatag na mga Kristiyano, na sinasang-ayunan ng Diyos at ni Kristo, kundi ng huwad na mga mananampalataya, mga “panirang-damo” na di-karapat-dapat sa Kaharian.—Mateo 13:24-30.

Gayunman, sa panahong ito ng kawakasan, may mahalagang gawain ng pagsasauli ng tunay na pagsamba na ginagawa sa ilalim ng patnubay ni Jehova. Ang bayan ni Jehova sa buong daigdig, anuman ang kanilang kultura, lipunan, o relihiyosong pinagmulan, ay nagsisikap na iayon ang kanilang pamumuhay at paniniwala sa mga pamantayan ng Bibliya. Kung nais mong matuto nang higit kung paano sasambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan,” pakisuyong makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. Totoong matutuwa silang tulungan ka na makapaghandog ng kalugud-lugod na sagradong paglilingkod sa Diyos, salig sa iyong kakayahan sa pangangatuwiran at tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita. Sumulat si Pablo: “Namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng pagkamadamayin ng Diyos, mga kapatid, na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran. At huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” At sinabi niya sa mga taga-Colosas: “Kami, mula nang araw na marinig namin iyon, ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghingi na kayo ay mapuspos ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layunin na lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.”—Roma 12:1, 2; Colosas 1:9, 10.

[Mga talababa]

Isinalin ng ilang salin sa Bibliya ang Griegong salitang haʹgi·os bilang “banal,” ang iba nama’y bilang “santo.”

Ang Lalong Dakilang Eleusinia ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing Setyembre sa Atenas at Eleusis.


Di-tiyak na Gamit ng Parthenon

Ang “Kristiyanong” Emperador Theodosius II, na nagbigay ng mga kautusan sa lunsod ng Atenas (438 C.E.), ang nagpatigil sa mga paganong ritwal at misteryo, nagpasara sa mga templong pagano. Pagkatapos noon ay maaaring baguhin ang mga ito upang maging mga simbahang Kristiyano. Ang tanging kahilingan para sa matagumpay na pagpapanibago sa isang templo ay ang dalisayin ito sa pamamagitan ng paglalagay ng krus sa loob nito!

Ang isa sa mga unang templo na binago ay ang Parthenon. Malalaking pagbabago ang ginawa upang maging angkop ang Parthenon para gamitin bilang isang templong “Kristiyano.” Mula noong 869 C.E., nagsilbi ito bilang katedral ng Atenas. Sa simula ay pinarangalan ito bilang ang simbahan ng “Banal na Karunungan.” Ito sana ay naging makahulugang paalaala sa bagay na ang orihinal na “may-ari” sa templo, si Athena, ang siyang diyosa ng karunungan. Nang maglaon ito ay inialay sa “Our Lady the Athenian.” Makalipas ang walong siglo ng paggamit ng Ortodokso, binago ang templo upang maging Katolikong simbahan ng St. Mary of Athens. Ang gayong relihiyosong “pagreresiklo” sa Parthenon ay nagpatuloy nang, noong ika-15 siglo, ito ay binago ng mga Turkong Ottoman upang maging moske.

Sa ngayon ang Parthenon, ang sinaunang templong Doric ng Athena Parthenos (“Birhen”), ang Griegong diyosa ng karunungan, ay binibisita ng libu-libong turista bilang isang obra-maestra lamang ng Griegong arkitektura.


Ang monasteryo ni Daphni—isang mapagpipiliang dako ng pagsamba para sa mga pagano sa sinaunang Atenas
 

Similar threads

Back
Top