What's new

Trivia Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng mga Hindi Mananampalataya (Mga piling sipi) Part 2

yasuomain12

Addict
Established
Joined
Apr 21, 2021
Posts
196
Solutions
1
Reaction
88
Points
122
Age
19
Para sa anumang kaluluwa, ang pagkakaroon nitong muli ng katawan, ang papel nito sa buhay na ito, saang pamilya sila isisilang, at ano ang magiging buhay nila ay malaki ang kaugnayan sa nakaraang buhay ng kaluluwa. Lahat ng klase ng mga tao ay nagpupunta sa mundo ng tao, at ang mga papel na kanilang ginagampanan ay magkakaiba, tulad ng mga gawaing kanilang isinasagawa. At ano ang mga gawaing ito? Dumarating ang ilang tao para magbayad ng mga utang: Kung napakalaki ng inutang nilang pera sa iba sa nakaraan nilang buhay, dumarating sila upang bayaran ang mga utang na iyon sa buhay na ito. Ang ilang tao, samantala, ay naparito para maningil ng mga pautang: Niloko sila sa napakaraming bagay at napakaraming pera sa mga nakaraan nilang buhay; dahil dito, pagdating nila sa espirituwal na mundo, binibigyan sila nito ng katarungan at tinutulutan silang maningil ng kanilang mga pautang sa buhay na ito. Ang ilang tao ay naparito para magbayad ng utang na loob: Sa nakaraang buhay—ibig sabihin, sa kanilang nakaraang pagkakaroong muli ng katawan—naging mabait sa kanila ang isang tao, at dahil nabigyan ng pagkakataong magkaroong muli ng katawan sa buhay na ito, muli silang isinilang para bayaran ang mga utang na loob na iyon. Ang iba naman, samantala, ay muling naisilang sa buhay na ito para kumitil ng mga buhay. At kaninong buhay ang kanilang kikitilin? Kinikitil nila ang buhay ng mga taong pumatay sa kanila sa mga nakaraan nilang buhay. Sa kabuuan, ang kasalukuyang buhay ng bawat tao ay may malaking koneksyon sa kanilang mga nakaraang buhay; ang koneksyong ito ay imposibleng paghiwalayin. Ibig sabihin, ang kasalukuyang buhay ng bawat tao ay lubhang apektado ng kanilang nakaraang buhay.

📍Halimbawa, sabihin natin na bago siya namatay, dinaya ni Zhang si Li ng napakalaking pera. Kung gayon ay may utang ba si Zhang kay Li? Oo, kaya natural ba na dapat singilin ni Li ang utang ni Zhang sa kanya? Dahil dito, nang mamatay sila, may isang pagkakautang sa pagitan nila na kailangang mabayaran. Kapag nagkaroon silang muli ng katawan at naging tao si Zhang, paano siya sisingilin ni Li sa kanyang pagkakautang? Ang isang pamamaraan ay ang muling maisilang bilang anak ni Zhang; kikita ng malaking pera si Zhang, na lulustayin naman ni Li. Gaano man kalaking pera ang kitain ni Zhang, hindi iyon magiging sapat kailanman; at samantala, ang kanyang anak, sa kung anong dahilan, ay laging lulustayin ang pera ng kanyang ama sa iba-ibang kaparaanan. Magtataka si Zhang at mag-iisip, “Bakit laging naghahatid ng kamalasan ang anak kong ito? Bakit napakaganda ng ugali ng mga anak ng ibang mga tao? Bakit walang ambisyon ang sarili kong anak, bakit napakawala niyang silbi at wala siyang kakayahang kumita ng anumang pera, at bakit lagi ko siyang kailangang suportahan? Dahil kailangan ko siyang suportahan, gagawin ko—ngunit bakit magkano man ang ibigay ko sa kanya, lagi niyang kailangan ng mas marami? Bakit hindi niya magawang maging tapat sa trabaho sa loob ng isang araw, at sa halip ay ginagawa niya ang lahat ng klaseng bagay tulad ng paglalakwatsa, pagkain, pag-inom ng alak, pambababae at pagsusugal? Ano ba ang nangyayari?” Sa gayon mag-isip sandali si Zhang, “Maaaring dahil may utang ako sa kanya mula sa isang nakaraang buhay. Kung gayon, babayaran ko iyon! Hindi ito matatapos hangga’t hindi ko iyon nababayaran nang buo!” Maaaring dumating ang araw na mabawi na talaga ni Li ang kanyang pautang, at pagsapit niya sa kanyang apatnapu o limampung taong gulang, baka-sakaling bigla siyang matauhan, at matanto niyang, “Wala akong nagawa ni isang mabuting bagay sa unang buong kalahati ng buhay ko! Nalustay ko ang lahat ng perang kinita ng aking ama, kaya dapat akong magsimulang maging mabuting tao! Patitibayin ko ang sarili ko; magiging isa akong taong tapat at mamumuhay nang wasto, at hindi na ako muling maghahatid ng dalamhati sa aking ama!” Bakit niya iniisip ito? Bakit siya biglang nagbago at nagpakabuti? May dahilan ba ito? Ano ang dahilan? (Dahil nasingil na ni Li ang kanyang pautang; nabayaran na ni Zhang ang kanyang utang.) Dito, mayroong sanhi at epekto. Nagsimula ang kuwento noong napakatagal na panahon, bago pa ang kasalukuyan nilang buhay; ang kuwento ng nakaraan nilang buhay ay nadala sa kasalukuyan, at hindi masisisi ang isa’t isa. Anuman ang itinuro ni Zhang sa kanyang anak, hindi nakinig ang kanyang anak kailanman ni hindi nagtrabaho nang tapat sa loob ng isang araw. Subalit sa araw na nabayaran ang utang, hindi na kinailangang turuan ang kanyang anak—natural siyang nakaunawa. Ito ay isang simpleng halimbawa. Marami bang ganitong halimbawa? (Oo, marami.) Ano ang sinasabi nito sa mga tao? (Na dapat silang maging mabuti at huwag silang gumawa ng masama.) Na dapat ay huwag silang gumawa ng masama, at magkakaroon ng paghihiganti sa kanilang masasamang gawa! Karamihan sa mga taong hindi mananampalataya ay gumagawa ng maraming kasamaan, at nagkaroon ng ganti ang kanilang masasamang gawa, tama ba? Gayunman, hindi ba makatwiran ang paghihiganting ito? Sa bawat kilos, may nangyari at may isang dahilan sa likod ng ganti rito. Palagay mo ba walang mangyayari sa iyo matapos mong dayain sa pera ang isang tao? Palagay mo ba, matapos mong kunin ang perang iyon, wala kang haharaping anumang mga bunga? Imposible iyan; may mga ibubunga talaga iyan! Sino man sila o maniwala man sila o hindi na mayroong Diyos, kailangang managot ang bawat tao para sa sarili nilang pag-uugali at tiisin ang mga ibubunga ng kanilang mga kilos.

📍Tungkol sa simpleng halimbawang ito—ang pagpaparusa kay Zhang, at pagbabayad kay Li—hindi ba ito makatarungan? Kapag gumagawa ang mga tao ng gayong mga bagay, ito ang nagiging resulta. Hindi ito maihihiwalay sa pangangasiwa ng espirituwal na mundo. Sa kabila ng kanilang pagiging mga hindi mananampalataya, ang pag-iral ng mga hindi naniniwala sa Diyos ay napapailalim sa ganitong mga uri ng makalangit na mga utos at atas. Walang sinumang makatatakas sa mga ito, at walang sinumang makakaiwas sa realidad na ito.
Yaong mga walang pananampalataya ay kadalasang naniniwala na lahat ng nakikita ng mga tao ay umiiral, samantalang lahat ng hindi nakikita, o napakalayo sa mga tao, ay hindi. Mas gusto nilang maniwala na walang “siklo ng buhay at kamatayan,” at na walang “kaparusahan”; sa gayon, wala silang pakialam kung magkasala man sila at makagawa ng masama. Pagkatapos nito, pinarurusahan sila, o muli silang nagkakaroon ng katawan bilang mga hayop. Karamihan sa iba-ibang uri ng mga tao sa mga hindi mananampalataya ay nahuhulog sa paulit-ulit na pagkakamaling ito. Ito ay dahil hindi nila alam na ang espirituwal na mundo ay mahigpit sa pangangasiwa nito ng lahat ng nilalang na may buhay. Naniniwala ka man o hindi, ang katotohanang ito ay umiiral, sapagkat wala ni isang tao o bagay ang makakatakas sa saklaw ng namamasdan ng mga mata ng Diyos, at wala ni isang tao o bagay ang makakatakas sa mga panuntunan at limitasyon ng Kanyang makalangit na mga utos at atas. Sa gayon, sinasabi ng simpleng halimbawang ito sa lahat na naniniwala ka man sa Diyos o hindi, hindi katanggap-tanggap ang magkasala at gumawa ng masama, at na lahat ng kilos ay may mga ibinubunga. Kapag pinarusahan ang isang taong nandaya ng iba sa pera, makatarungan ang gayong kaparusahan. Ang pag-uugaling katulad nito na karaniwang nakikita ay pinarurusahan sa espirituwal na mundo, at ang gayong kaparusahan ay inihahatid ng mga atas at makalangit na utos ng Diyos. Samakatuwid, ang talamak na kriminal at masamang asal—panggagahasa at pandarambong, panloloko at panlilinlang, pagnanakaw at panloloob, pagpatay at panununog, at iba pa—ay mas ipinaiilalim sa iba’t ibang kaparusahan na may iba-ibang katindihan. Ano ang kabilang sa mga kaparusahang ito na may iba-ibang katindihan? Ang ilan sa mga ito ay nagtatatag ng antas ng katindihan gamit ang oras, samantalang ang ilan ay ginagawa iyon sa pamamagitan ng magkakaibang pamamaraan; ang iba naman ay ginagawa iyon sa pamamagitan ng pagtukoy kung saan nagpupunta ang mga tao kapag nagkakaroon silang muli ng katawan. Halimbawa, mahalay ang bibig ng ilang tao. Ano ang tinutukoy ng pagiging “mahalay ang bibig”? Ang ibig sabihin nito ay madalas na pagmumura sa iba at paggamit ng masamang pananalita na nagmumura sa iba. Ano ang ipinahihiwatig ng masamang pananalita? Ipinahihiwatig nito na ang isang tao ay may masamang puso. Ang masamang pananalita na minumura ang iba ay kadalasang nagmumula sa mga bibig ng gayong mga tao, at ang gayong masamang pananalita ay matindi ang hatid na mga bunga. Kapag namatay na ang mga taong ito at natanggap na nila ang angkop na parusa, maaari silang muling isilang bilang mga pipi. Nakapatuso ng ilang tao habang nabubuhay pa sila; madalas silang nagsasamantala sa iba, ang maliliit na pakana nila ay partikular na planadung-planado, at labis nilang ipinapahamak ang mga tao. Kapag sila ay muling isinilang, maaaring bilang mga sintu-sinto o mga taong may kapansanan sa pag-iisip. Ang ilang tao ay madalas sumilip sa pribadong gawain ng iba; maraming nakikita ang kanilang mga mata na dapat maging lihim sa kanila, at marami silang natututuhan na hindi nila dapat malaman. Dahil dito, kapag sila ay muling isinilang, maaaring sila ay bulag. Ang ilang tao ay masyadong listo habang sila ay nabubuhay; madalas silang nakikipag-away at gumagawa ng maraming kasamaan. Dahil dito, maaari silang muling isilang na may kapansanan, lumpo, o walang isang kamay; kung hindi ay maaari silang magkaroong muli ng katawan bilang mga kuba o tabingi ang leeg, maglakad nang paika-ika, o mas maikli ang isang paa kaysa sa kabila, at iba pa. Dito, napailalim sila sa iba-ibang kaparusahan batay sa mga antas ng kasamaang ginawa nila habang sila ay nabubuhay. Sa palagay ninyo, bakit duling ang ilang tao? Maraming tao bang ganoon? Sa mga panahong ito hindi lamang sila kakaunti. Ang ilang tao ay duling dahil sa nakaraan nilang buhay, masyado nilang ginamit ang kanilang mga mata at napakarami nilang ginawang masama, kaya isilang sila sa buhay na ito na duling, at sa malulubhang kaso, bulag pa sila nang isilang. Ito ay paghihiganti! Maganda silang makisama sa iba bago sila mamatay; marami silang ginagawang mabuti para sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan, kasamahan, o mga taong konektado sa kanila. Nagbibigay sila sa kawanggawa at nagmamalasakit sa iba, o tinutulungan sila sa pagbibigay ng pera, at mataas ang tingin ng mga tao sa kanila. Kapag nagbalik ang gayong mga tao sa espirituwal na mundo, hindi sila pinarurusahan. Ang hindi maparusahan ang isang hindi mananampalataya sa anumang paraan ay nangangahulugan na sila ay naging napakabuting tao. Sa halip na maniwala sa pag-iral ng Diyos, naniniwala lamang sila sa Matandang Lalaki sa Langit. Ang gayong tao ay naniniwala lamang na may espiritu sa itaas nila, na pinanonood ang lahat ng ginagawa nila—iyon lamang ang pinaniniwalaan ng taong ito. Ang resulta ay na mas maganda ang ugali ng taong ito. Ang gayong mga tao ay mabait at mapagkawanggawa, at kapag sa huli ay bumalik sila sa espirituwal na mundo, napakaganda ng magiging pagtrato noon sa kanila, at agad silang magkakaroong muli ng katawan. Kapag sila ay muling isinilang, sa anong uri ng pamilya sila darating? Bagama’t ang gayong mga pamilya ay hindi magiging mayaman, magiging malaya ito sa anumang kapinsalaan, at magkakasundo ang kanilang mga miyembro; doon, ang mga taong ito na nagkaroong muli ng katawan ay magkakaroon ng ligtas at masasayang araw, at lahat ay magagalak at magiging maganda ang buhay. Kapag ang mga taong ito ay nasa hustong gulang na, magkakaroon sila ng malalaki at malalawak na angkan, magkakaroon ng maraming talento at magtatagumpay ang kanilang mga anak, at magtatamasa ng magandang kapalaran ang kanilang pamilya—at ang gayong kalalabasan ay lubhang konektado sa nakaraang buhay ng mga tao. Ibig sabihin, saan pupunta ang mga tao kapag namatay sila at nagkaroong muli ng katawan, lalaki ba sila o babae, ano ang kanilang misyon, ano ang pagdaraanan nila sa buhay, anong mga problema ang titiisin nila, anong mga pagpapala ang tatamasahin nila, sino ang makikilala nila, at ano ang mangyayari sa kanila—walang makakahula ng mga bagay na ito, makakaiwas sa mga ito, o makakapagtago mula sa mga ito. Ibig sabihin, kapag naitakda na ang buhay mo, anuman ang mangyari sa iyo—paano mo man subukang iwasan ito, at sa anumang kaparaanan—walang paraan para labagin mo ang pag-inog ng buhay na itinakda ng Diyos para sa iyo sa espirituwal na mundo. Sapagkat kapag nagkaroon kang muli ng katawan, naitakda na ang kapalaran ng buhay mo. Mabuti man iyon o masama, dapat itong harapin ng lahat at magpatuloy sila sa pagsulong. Ito ay isang isyung hindi maiiwasan ng sinumang nabubuhay sa mundong ito, at walang isyu na mas totoo. Naunawaan na ninyong lahat ang lahat ng sinasabi Ko, hindi ba?
🤔🤔🤔🤔
Yamang naunawaan na ninyo ang mga bagay na ito, nakita na ba ninyo ngayon na may napakahirap at napakahigpit na mga pagsisiyasat at pangangasiwa ang Diyos para sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga hindi mananampalataya? Una, nagtatag na Siya ng iba-ibang makalangit na mga utos, atas, at sistema sa espirituwal na dako, at kapag naipahayag na ang mga ito, ipinatutupad ang mga ito nang napakahigpit, ayon sa itinakda ng Diyos, ng mga nilalang sa iba-ibang opisyal na katungkulan sa espirituwal na mundo, at walang sinumang mangangahas na labagin ang mga ito. Samakatuwid, sa siklo ng buhay at kamatayan ng sangkatauhan sa mundo ng tao, nagkaroon mang muli ng katawan ang isang tao bilang hayop o bilang tao, may mga batas para sa dalawang ito. Dahil ang mga batas na ito ay nagmumula sa Diyos, walang sinumang nangangahas na suwayin ang mga ito, ni walang sinumang nakakasuway sa mga ito. Dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos, at dahil umiiral ang gayong mga batas, kaya regular at maayos ang materyal na mundong nakikita ng mga tao; dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos kaya nagagawa ng sangkatauhan na sumabay sa pag-iral nang payapa sa ibang mundong lubos nilang hindi nakikita, at nagagawang mabuhay na kasundo nito—na lahat ay hindi maihihiwalay sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Pagkamatay ng buhay sa laman ng isang tao, may buhay pa rin ang kaluluwa, kaya nga ano ang mangyayari kung wala ito sa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos? Gagala ang kaluluwa sa buong lugar, manghihimasok kahit saan, at pipinsalain pa ang mga bagay na may buhay sa mundo ng tao. Ang gayong pinsala ay hindi lamang gagawin sa sangkatauhan kundi maaari ding gawin sa mga halaman at hayop—gayunman, ang unang mapipinsala ay ang mga tao. Kung mangyayari ito—kung ang kaluluwang ito ay hindi napangasiwaan, tunay na puminsala sa mga tao, at talagang gumawa ng masasamang bagay—maayos ding pakikitunguhan ang kaluluwang ito sa espirituwal na mundo: Kung malubha ang mga bagay-bagay, hindi magtatagal at titigil sa pag-iral ang kaluluwa, at wawasakin. Kung maaari, ilalagay ito sa isang lugar at pagkatapos ay magkakaroong muli ng katawan. Ibig sabihin, itinakda na ang pangangasiwa ng espirituwal na mundo sa iba-ibang kaluluwa, at ipinatutupad alinsunod sa mga hakbang at panuntunan. Dahil lamang sa gayong pangangasiwa kaya hindi pa nagkakagulo sa materyal na mundo ng tao, kaya ang mga tao sa materyal na mundo ay nagtataglay ng normal na mentalidad, normal na pagkamakatwiran, at isang isinaayos na buhay sa laman. Pagkatapos magkaroon ng gayong normal na buhay ang sangkatauhan, saka lamang magagawa ng mga nabubuhay sa laman na patuloy na mabuhay at magparami sa lahat ng henerasyon.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X

✨✨✨✨✨✨
 
Back
Top