What's new

Closed Fakebook by Asmodeus

Status
Not open for further replies.

rionesenobi

Addict
Joined
Jan 23, 2012
Posts
42
Reaction
12
Points
80
Age
43
Walang lingon sa likod na tinatakbo ni Stella ang kahabaan ng Rivera St. Di nya alam kung saan sya tutungo. Bakas sa kanyang mukha ang takot. Naririnig na nya ang malakas na kabog ng kanyang ******. Kailangan nyang matakasan ang humahabol sa kanya. Narating na nya ang hangganan ng kalsada. Tanging kaliwang eskinita na lang ang maaari nyang lusutan. Ngunit papunta ito sa likod na bahagi ng subdivision. Masukal ang paligid nito. Matataas ang mga damo. Saglit syang natigilan. Kailangan nyang mamili. Sa pagsugal nya sa tatahaking talahiban na yun ay may tsansa syang mabuhay ngunit may kaakibat din namang panganib na maaari syang makatapak ng ahas at matuklaw. Kung babalik naman sya sa pinanggalingan nya ay wala na syang pagpipilian pa kundi harapin ang humahabol sa kanya. Ilang ulit din nyang tinangkang mangatok ng pintuan ng bawat bahay na madadaanan nya. Ngunit walang tao dahil nagkataong founding anniversary ng subdivision at karamihan sa nasa street na napasukan nya ay nasa party sa community hall.

"Bahala na." wika nya sa sarili kasunod ng pagsisimula nyang maglakad papasok sa kasukalan ng malawak na bakanteng lote.

May natatanaw syang liwanag sa dulo. Anumang meron doon ay walang kasiguruhan kung may mahihingan sya ng saklolo o kahit matataguan man lang at mapanatag ang kanyang kalooban na ligtas na sya. Ang mahalaga ay matakasan nya ang nakaambang panganib. Gamit ang mahinang liwanag ng cellphone ay maingat nyang sinisiyasat ang bawat lalakdangan. Marahan ang bawat hakbang upang di masyadong mapagalaw ang matataas na talahib at makatawag ng pansin sakaling mapadpad sa kanyang direksyon ang atensyon ng humahabol sa kanya.
Sa di kalayuan, sa kalsadang pinanggalingan ni Stella ay may isang lalaking kaswal na naglalakad habang sumisipol. Palinga-linga ito sa paligid na tila may hinahanap. Di gaanong maliwanag sa kalsada dahil karamihan sa mga bahay ay patay ang ilaw. Di gaanong masyadong aninag ang kabuuang detalye ng kanyang mukha. 5'8 ang kanyang taas, balingkinitan ang katawan, nakasuot ito ng puting t-shirt na tadtad ng tilamsik ng kung anong pulang likido at naka maong pants. May hawak itong sundang sa kanang kamay na kumikinang sa talim sa tuwing matatamaan ito ng liwanag..

Puno din ito ng natuyong kung anong likido na yun na nasa kanyang damit..

Tila dugo..

Pagkalipas ng ilang minutong paglalakad ay narating na rin ni Stella ang dulo. May bakod na nakaharang ngayon sa pagitan nya at isang gasolinahan na sa tingin nya ay bukas naman dahil bukas ang mga ilaw ngunit napakatahimik at walang makikitang tao sa paligid nito. Sa kabilang bahagi ng gasolinahan ay may convenience store ngunit ito ay sarado. Ang tanging problema na lang nya ngayon ay kung paano nya aakyatin ang pader. Di naman ito kataasan pero may mga pulupot ng barbed wire sa ibabaw nito.
Minabuti nyang wahakin ang suot nyang skirt upang di sya mahirapan sa pag akyat. Hinubad nya ang suot nyang sapatos at inihagis ang pares nito sa kabilang bakod at nagsimula nang umakyat. Unang pagkakataon lang nyang ginawa ito sa buong buhay nya. Kahit noong bata pa sya ay ni hindi nya nagawang umakyat man lang ng mababang puno ng bayabas na napakarami sa probinsya nila. Sa edad na 27, bagama't di man sya kagandahan ay napakaselan nya sa katawan. Dahilan ito kung bakit kahit papaano ay may kakinisan din naman sya.
Sinimulan nyang kumapit sa isang bakal na nakausli sa ibabaw ng pader. Ubos lakas nyang hinila pataas ang sarili kasabay ng pagsaklang ng isa nyang hita sa ibabaw ng pader. Halos mapaluha sya sa sobrang sakit nang matusok ng barbed wire ang kanyang binti. Tiniis nya ang sakit hanggang sa tuluyan na nyang marating ang kabila ng pader. Kahit papaano ay naibsan ng kaunti ang kanyang pangamba. Nagkaroon na sya ng pag-asang makakaligtas sya. Medyo madilim sa sulok ng gasolinahan kung kaya't sakaling may tao man dito ay di sya kaagad mapapansin. Aktong dadamputin na nya ang kanyang sapatos nang biglang..

BLAG!!

May humampas sa kanyang batok ng napakalakas. Dahilan ito para sya ay bumagsak at mawalan ng ulirat...


"Wuy Mac! Nandyan ka?" Tanong ni Stella sa kausap nya sa facebook.

"Oh? Bakit? Pasensya ka na ha. Medyo busy ako ngayon eh. Alam mo naman, linggo ngayon. Ang daming namimili. Malolowbatt na ako. Charge ko lang tong cp ko maya-maya ng konti. Pag di na ako nakareply, yun na yun ok? Pm na lang ako pagka charge." Sagot naman ni Mac

"Wehh. Lowbatt? Baka naman madami lang kausap. Haha." Pabiro ni Stella.

"Sira ka. Haha. Ang daming tao dito oh. Pumunta ka kaya para makita mo. Ngayon nga lang ako nakapagcheck ng fb eh. Mamaya babawi ako sa iyo. Promise. Nauubusan din naman kasi ng tao dito mga bandang tanghali. Karamihan kasi nakain." Depensa naman ni Mac na natatawa sa sagot ng kausap.

"Tanghali?! Eh hating gabi pa lang kaya. Langya yan. Sige punta na lang ako ngayon. Kanina pa ako batong bato dito eh. Kasama ko kanina si Bhevz. Iniwan naman ako ng baklang yun. Magpapagupit daw ng buhok sa ilong. Ewan ko ba sa luka-lukang yun. Teka saan ba yan? Paano pumunta dyan?"

Si Stella at Mac ay magkaibigan sa facebook. Isang taon na rin ang nakalilipas mula nang magkakilala sila. Madalas silang magkausap, makapagpalitan ng kuru-kuro o opinyon. Sobrang close na nila na halos wala na silang sikretong maitatago sa isa't-isa. Ilang beses na nilang napagkasunduang magkita pero dahil sa pagka workaholic ni Mac ay di ito natutuloy. Ayaw naman ni Stella noon na sya ang pumunta dahil di naman nya gaano pang kilala itong si Mac. Sa wakas ay matutuloy na rin ang kanilang pagkikita.
Si Mac ay matanda lang ng tatlong taon kay Stella. Bagama't lumaki sa kahirapan, dahil sa kanyang pagsusumikap ay nakaipon sya ng pang puhunan para makapagtinda ng karne at makakuha ng pwesto sa isang midnight market na katabi lang ng subdivision na kanyang tinitirahan.

Matapos ibigay ni Mac ang detalye ng lokasyon nya at kung paano pumunta ay kaagad namang nagpalit ng damit si Stella. Pagkalabas ng bahay ay nag-abang sya ng masasakyang tricycle papunta sa highway. Di naman nagtagal at nakasakay din sya. Pagkababa ay sakto namang may paraan na masasakyang jeep na dumadaan sa lokasyon ni Mac kaya't agad nya itong pinara. Pagkaabot nya sa driver ng pamasahe ay binunot nya mula sa shoulder bag ang kanyang cellphone para itxt at ipaalam kay Mac na nasa byahe na sya.

"Nakasakay na ako. Sunduin mo ko sa labas ha. Joke. Hahahaha. Ok lang. Alam ko na naman ang papunta dyan eh. Namimili kami dati dyan. Madalas ako isama ni mama nung maliit pa ako."

"Sige. Ingat.."

Pagkababa nya ay bigla syang nakaramdam ng panlalamig ng katawan sa naabutan. Ang dating palengke na dating pinamamalengkehan nila ng kanyang ina noong sya ay bata pa at kung saan si Mac ay inaasahan nyang nakapwesto at kasalukuyang nagtitinda ng karne sa mga oras na yon ay walang katao tao. Ni walang bakas man lang na ito ay nagbukas kahit nito lang mga nagdaang araw. Mistula itong inabandona. Di naman gaano kadiliman dahil kabilugan ng buwan. Samu't-saring basura ang nagkalat sa paligid..

Muli nyang kinuha ang cellphone sa bag upang itxt si Mac..

Makailang ulit nya itong tinxt pero di nagrereply kung kaya't minabuti na nyang tawagan..

"Mac? Nandito na ako. Anong nangyari? Pinaglololoko mo ba ako? Di magandang biro to ha. Ang layo pa ng pinanggalingan ko at alam mong madaling araw na. Nagcommute lang ako!"

"Sorry Stella..." Mahinang sagot ni Mac sa malamig na boses.

*static*

"Anong sorry?!! Hoy! Di ako nakikipaglokohan sa iyo ha! Ang layo ng pinanggalingan ko! Babae pa ako! Akala mo di ko kayang alamin kung saan ka nakatira?! Nasa katabing subdivision ka lang! Ipagtatanong kita dito ngayon din!"

Yun lang at di na muling nagsalita si Mac.

"Ah! Talagang ginagago mo ko ha?!" Galit na galit na si Stella.

Pinutol na nya ang tawag at padabog na naglakad patungo sa hanay ng mga tricycle sa kanto lang ng subdivision na katabi ng inabandonang palengke.

"Ah oo may naaalala akong Mac na dating nagtitinda ng karne. Ang bahay nya ay sa kanto lang ng F. Zaide St. Deretsuhin mo lang tong kalyeng to tapos bumilang ka ng walong kanto. Yung pang walo na yung F. Zaide. Sa kaliwang side ha. Di ka mahihirapang hanapin yun dahil kantong kanto lang sya. May mga tanim na halaman ng sampaguita sa labas lang ng bakuran nya. At bahay lang nya ang may gate na green doon. Pag nakaharap ka sa street na yun, kanya yung bahay sa kaliwa. Pero teka, bakit mo sya hinahanap?" Nagtatakang tanong ng pinagtanungan nya habang nagkakamot ng ulo.

"Salamat ho." Sagot ni Stella. Hindi na nya nagawa pang sagutin o ni usisain man lang ang tungkol sa palengke. Kinain na ng galit ang kalinawan ng kanyang pagiisip. Anuman ang nangyari sa usapan nila ni Mac ay tiyak naman na niloko lang sya nito. At di ito nakakatuwa lalo pa para sa kanya na isang babae at heto at nasa labas pa sa ganitong oras at naghahanap ng isang tao na kahit minsan ay di nya inakalang magagawa sa kanya ito.

Inabot din sya halos ng labing limang minuto bago narating ang bahay ni Mac. Napakatahimik ng paligid. Tila tulog na ang mga tao sa kabahayan. Saglit na nagdalawang isip si Stella kung bubulabugin ba nya ang gate ni Mac. Nandoon na rin lang sya. Kailangan nya itong makompronta kahit anong mangyari. Laking gulat nya nang kumatok sya ng malakas sa gate at bumukas ang pinto nito na para bang naiwan itong nakabukas o kaya ay sinadyang iwan na di nakalapat sa lock nito.
Bakas pa rin sa mukha ang galit, padabog ang bawat bawat mabigat na hakbang na tinungo ni stella ang pinto ng bahay ni Mac. Akmang kakatok sya nang mapansin nyang di pala ito nakalapat. Bigla syang nakaramdam ng kaba sa di nya maipaliwanag na dahilan. Parang kusa na lang syang dinala sa loob ng kanyang mga paa.
Madilim sa loob pero sa tulong ng konting liwanag na nagmumula sa poste ng ilaw sa labas ng bahay na tumatagos sa mga bintana na may puting kurtina ay aninag pa rin ang kaayusan sa bahay ni Mac.

Maliban sa isang detalye na nakapukaw ng kanyang pansin..

Di kalakihan ang kanyang bahay para di nya matanaw ang isang upuan sa isang sulok na putol ang mga paa na para bang aksidente o sinadyang baliin. Lalapit sana sya para siyasatin ngunit napatigil sya sa unang hakbang..

May natapakan syang parang malapot na likido..

Bagama't medyo mahina ang pang amoy dahil sa sinusitis at labis na paninigarilyo ay di nakaligtas sa kanya ang malansang amoy ng likido na ito. Marahil ay dahil sa sobrang dami ng nasa sahig at di malayang nakakalabas-masok ang hangin dahil sa mga kurtina.
May biglang pumasok na ideya sa kanyang isipan na nagbigay ng sensasyong nararamdaman lang nya sa tuwing mababalutan ng takot. Pamilyar sa kanya ang amoy na yun..

DUGO!

Marahan na sana nyang lilingunin ang daan patungo sa pintuan nang mula sa likuran nya ay may marinig syang mababa at malamig na tinig..

"Stella.." Si Mac!

Mabilis na lumayo si Stella sabay harap sa tumawag ng kanyang pangalan.
Bagama't may kadiliman ay banaag pa rin sa kanyang mga kamay ang dugo. Lalo ang kanyang kanang kamay na nangangalit sa kapulahan sa dami ng dugo nito na umaagos pababa sa hawak nyang sundang.
Humakbang ng isa si Mac papalapit sa kanya, ngunit agad itong sinundan ni Stella ng isang malakas na sipa sa kanyang pagkalalaki. Dahilan para sya ay mapayuko at halos mamilipit sa sobrang sakit. Pagkakataon na ito ni Stella para makatakas. Itinulak nya si Mac palayo sa kanyang daraanan. At kumaripas ng takbo palabas.

"Stella!!" Sigaw ni Mac. Di ito pinansin ni Stella. Kailangan nya itong matakasan.

Tila magkakatulad lang ng ayos ang bawat kalsada sa gabi sa subdivision. Nakadagdag ito ng pangamba kay Stella dahil di nya maalala kung saang direksyon sya kanina nanggaling. Tumakbo na lang sya basta sa kung saan. May nabasa syang street sign..

"Rivera St."

Di na sya nag-atubili pa. Tinahak nya ang kabahayan nito sa pag-asang may mahihingan ng tulong. Bawat bahay na madadaanang bahay ay kinakatok nya. Ngunit walang nagbubukas. Tila walang tao saan mang bahay na nadadaanan nya. Nang marating nya ang dulo, may isang eskinita sa kaliwa na syang tangi na lang nyang malulusutan. Saglit syang nag-isip kung magpapatuloy ba sya o hindi. Nang makapag desisyon ay mabilis nyang binaybay ang kahabaan nito patungo sa kasukalan ng likod na bahagi ng subdivision. Sa maingat nyang paglalakad ay narating din nya ang dulo. May pader na di kataasan at sa tingin nya ay kaya nya namang akyatin. Ang problema ay ang suot nya. Naka fitted skirt sya. Madali syang nakaisip ng ideya. Winahak nya ang gilid ng kanyang skirt at hinubad ang mga sapatos. Inihagis nya ang mga ito sa kabilang bakod upang kunin pagkababa nya. Sumabit pa ang kanyang binti sa barbed wire sa pagsaklang nya pero di na nya ininda ang sakit. Batid nyang di na yun mahalaga pagka't ang makarating lang sya sa kabila ay sapat na para mapanatag ang kanyang kalooban.
Dadamputin na nya ang kanyang mga sapatos nang biglang may humampas ng kung anong bagay na matigas sa kanyang batok.

"BLAG!!"

Yung gwardya..

Maya maya ay ginising sya nito. Ngunit muli syang nahintakutan dahil nakita nyang kasama nito si Mac!!

Si Mac na syang dahilan ng lahat ng ito..

Akmang tatayo na sana si Stella para tumakbo ngunit nahawakan sya nito sa braso at natatawang nagsimulang magpaliwanag. May kadiliman sa sulok ng gasolinahan na yun at ilang ulit na pala kasi silang nanakawan. Doon sa inakyatan ni Stella madalas dumaan ang magnanakaw kung kaya't sa may sulok na isang metro lang ang layo sa pinagbabaan nya natutulog ang gwardya upang magbantay.
Sa kadiliman ng sulok na yun kung saan ni hindi man lang aninag ang kasarian ng simumang taong magtatangka..
Nakalimutan pala ni Mac sabihin na Inilipat na ang palengke sa kabilang gilid lang din ng subdivision. Nang magtxt si Stella na nasa byahe na sya ay kaagad na umuwi si Mac. May mga order pa sya ng karne ng baboy para kinaumagahan kaya sa bahay na nya inihanda ang mga ito. Habang nasa kalagitnaan sya ng pagtadtad at paghihiwa ng karne ay biglang pumutok ang fuse ng main switch ng kuryente. Kumuha si Mac ng isang upuan mula sa gilid ng dining table at ginamit itong tungtungan para maabot at maayos ito. Di na nagawa ni Mac na magtuyo muna ng mga kamay. Nakuryente sya habang kinakalikot ito at tumalbog palayo. Nabali ang paa ng upuan na tinutungtungan nya at aksidente namang natabig nya ang isang timba na puno ng dugo ng baboy pagkabagsak nya sa sahig. Magtetxt pa sana sya pero wala syang lakas para hawakan man lang ang kanyang cellphone at puno pa ng dugo ang kanyang mga kamay. Yun na rin daw ang dahilan ng panlalamig at mababa nyang boses. Matapos humingi ng paumanhin ay niyaya ni Mac si Stella na magkape man lang muna bago nya ito ihatid pauwi sa kanila.

"Salamat na lang" Pabuntong hininga ni Stella.

Salamat at di tulad ng una nyang inakala ang lahat..

Salamat sa kakaibang unang pagkikita..

Nakangiting wika nya sa sarili kasunod ng paglagok ng kape..

-WAKAS
 
Dear rionesenobi,

Since 2 years have passed since the last reply in this thread, I am locking it to prevent necroposting. Feel free to start a new thread or contact any forum staff if you want this to be reopened.

Thread closed.
 
Status
Not open for further replies.
Back
Top